Gamot sa Lagnat: Mga Simpleng Lunas Para Bumaba ang Iyong Lagnat

gamot sa lagnat
Image Source: 123dentist.com
Napakahirap talagang magkaroon ng lagnat. Bukod sa mainit ang iyong pakiramdam, madalas pa itong sinasabayan ng pananakit ng ulo at panghihina. Kaya naman, wala kang magawa sa buong araw kundi ang mahiga.

Tapos kung working ka, makaka-absent ka pa sa trabaho mo ng mga ilang araw. Absent equals walang kita. At kung estudyante ka naman, mamimiss mo ang lectures ng iyong prof. Tapos pagpasok mo, quiz agad. Wala kang alam, so bagsak. Simple mang sakit ang lagnat, isa itong napakalaking abala.

Paano nga ba gamutin ang lagnat? Para mabilis kang gumaling, alamin muna natin ang lahat-lahat tungkol sa lagnat.

Kailan Masasabing Ikaw ay May Lagnat?

Kung ikaw ay magreresearch sa mga libro o internet, iba’t ibang temperature range ng lagnat ang iyong makikita. Pero simplehan na lang natin. Masasabing ikaw ay may lagnat kapag lumagpas sa 37°C ang iyong temperatura. Pero ito pa rin ay depende kung saan ka kinuhanan ng temperature.

Marami kasing paraan ang pagkuha ng temperatura. Kadalasan ay sa kili-kili, pwede rin sa noo, sa tenga, o kaya naman ay sa pwet.
Ang normal na axillary (kili-kili) temperature ay nasa pagitan ng 36.9°C – 37.4°C. Kaya posibleng ikaw ay may lagnat kapag lumagpas ka sa temperature range na ito.

Mga Sanhi ng Pagkakaroon ng Lagnat

Iba’t iba ang dahilan ng pagkakaroon ng lagnat. Karamihan sa’ting mga Pinoy, nagkakaroon tayo ng lagnat kapag namamaga ang ating lalamunan. Madalas din tayong magka-lagnat kapag malamig na ang panahon, o kaya ay kapag nabasa tayo ng ulan. Pero bukod sa mga ito, marami pang sanhi ng pagkakaroon ng lagnat. Ito ay ang mga sumusunod:

1. Pagkakaroon ng impeksiyon

Kadalasang nagkakaroon ng lagnat kapag ikaw ay nagkaroon ng impeksiyon sa tenga, baga, balat, lalamunan, pantog, bato, o kahit na anong parte ng iyong katawan. Dahil may bacteria sa loob ng iyong katawan, ang gagawin ng hypothalamus mo ay paiinitin ang iyong katawan para mapatay ang mga nananakop na bacteria. Ang hypothalamus ay isang maliit na organ sa ating utak, at siya ang naka-assign sa pag-reregulate ng ating body temperature.

2. Dulot ng ibang sakit

Sabi ng mga doktor, ang lagnat ay hindi aktwal na sakit. Isa lamang itong sintomas o senyales na may iba ka pang sakit. Ayon sa The Generics Pharmacy, maaari kang magkaroon ng lagnat dahil sa mga sakit na ito: dengue, trangkaso, pulmonya, bulutong, o tigdas. Pwede ka ring magkaroon ng lagnat kung ikaw ay may inflammatory disorder at autoimmune disease.

3. Side effect ng pag-inom ng ilang mga gamot

May ilang mga gamot na ang side effect ay ang pagkakaroon ng lagnat. Ayon sa NCBI PubMed, ang mga gamot na gaya ng penicillin, cephalosporin, antitubercular, quinidine, procainamide, methyldopa, at phenytoin ay nagdudulot ng lagnat.

4. Severe dehydration

Ang severe dehydration ay nagdudulot din ng lagnat. Kapag wala kang sapat na tubig sa iyong katawan, hindi nareregulate nang ayos ang iyong temperatura. Para hindi ka magkaroon ng severe dehydration, ugaliing uminom ng maraming tubig araw-araw at iwasan ang pagbibilad sa maiinit na lugar.

5. Epekto ng pagbabakuna lalo na sa mga baby

Kadalasan, nagkakaroon ng lagnat ang mga baby kapag sila ay binakunahan. Pero sa first dose lang naman nangyayari ito at may binibigay namang paracetamol drops ang mga health center. Kapag second dose o third dose na, hindi na nilalagnat ang mga baby, maliban sa mga pangilan-ngilan.

Mga Sintomas ng Lagnat

Siyempre, ang number one na sintomas ng lagnat ay ang pagkakaroon ng mainit na balat/pakiramdam. Pero bukod dito, masasabing ikaw ay may lagnat kapag nararamdaman mo ang mga sumusunod:
  • pamamawis
  • panlalamig
  • pananakit ng ulo
  • pananakit ng katawan
  • kakulangan ng gana sa pagkain
  • dehydration
  • panghihina

Gamot sa Lagnat

Kung may simpleng lagnat, hindi kailangang mag-panic at sumugod agad sa center, clinic, o ospital. Pwede mo itong gamutin sa iyong tahanan. Para pababain ang iyong lagnat, gawin lamang ang sumusunod na home remedies:

1. Palitan ang nawalang tubig sa katawan

Kapag ikaw ay may lagnat, kadalasan ikaw ay dehydrated din. Para palitan ang nawalang tubig sa iyong katawan, uminom ng maraming tubig, juice, o humigop ng mainit na sabaw.

2. Magpahinga

Ang iyong lagnat ay hindi gagaling kung ikaw ay hindi magpapahinga. Para tuluyang mawala ang iyong lagnat, ipagpaliban muna ang mabibigat na gawaing bahay, umabsent sa trabaho, o huwag munang pumasok sa school. Magpahinga ka muna para manumbalik ang iyong lakas. Kadalasan, nawawala ang lagnat pagkalipas ng 2-3 araw.

3. Siguraduhing may sapat na bentilasyon

Huwag hayaang saradong-sarado ang iyong kwarto kung ikaw ay may lagnat. Buksan mo man lang ang mga bintana para may maka-circulate na hangin, at hindi makulong ang anumang dala-dala mong mikrobyo. Para hindi ka mag-chill, huwag mo lang hahayaang tamaan ka ng direktang hangin.

4. Magsuot ng angkop na damit

Kung ang taong nilalagnat ay nilalamig, kumutan siya o pagsuotin ng jacket. Kung hindi naman siya nilalamig, huwag ipagpilitang pagsuotin ang may sakit ng makakapal na damit. Kadalasan kasi, ang mga matatanda, binabalot na parang mummy ang nilalagnat kahit hindi na siya komportable.

5. Punasan ang nilalagnat

Huwag munang payagang maligo ang nilalagnat sapagkat maaaring maging sanhi ito ng pang-giginaw. Sa halip, punasan ng maligamgam na tubig ang katawan ng may sakit gaya ng noo, mukha, kilikili, braso, kamay, dibdib, singit, ari, hita, binti, at paa. Para mas maginhawaan ang nilalagnat, pwede mo rin siyang punasan ng pinaglagaan ng dahon ng suha o sambong.

6. Uminom ng gamot sa lagnat

And last but not the least, uminom siyempre ng gamot sa lagnat. Ang kadalasang pinapainom sa may lagnat ay: paracetamol (Biogesic), acetaminophen (Tylenol), at ibuprofen (Advil, Motrin). Para sa mabilisang paggaling, uminom ng gamot tuwing ika-4 na oras. Halimbawa, tuwing 8am-12nn-4pm-8pm-12mn. Pero depende pa rin ito sa nabili mong gamot. Ang ibang gamot sa lagnat kasi ay may frequency na every 6 hours gaya ng Bioflu.

Kailan Dapat Kumonsulta sa Doktor?

Bagamat ang simpleng lagnat ay pwedeng gamutin sa bahay, kumonsulta agad sa doktor kapag nakakaranas ng ganitong mga sintomas:
  • kapag pabalik-balik ang lagnat at mahigit 3 araw na
  • may pamumula ng balat o rashes (posibleng dengue)
  • paninilaw ng balat (posibleng malaria)
  • paninigas ng leeg (posibleng tetano)
  • pamumutla
  • labis na panghihina at pangangayayat
  • hirap sa pagdumi at pag-ihi
Ang mga sintomas na ito ay maaaring indikasyon ng ibang sakit na kailangang bigyan ng karagdagang lunas. O kung may kakaiba kayong nararamdaman na hindi nabanggit sa taas, kumonsulta agad sa doktor.

Medical Sources:

https://www.drugs.com/cg/how-to-take-an-axillary-temperature.html
https://tgp.com.ph/gamot-sa-lagnat/ 
https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pubmed/3522163
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/fever/in-depth/fever/art-20050997

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento