Ang breast cancer ay ang pinaka-nangungunang klase ng cancer sa Pilipinas. In fact, isa ang Pilipinas sa may pinakamaraming kaso ng breast cancer sa buong Asya.
Bagamat ang breast cancer ay nakamamatay, pwede mong maiwasan ang paglala nito at maisalba ang iyong buhay sa pamamagitan ng early detection.
Para malaman kung ikaw ay may breast cancer, narito ang ilang mga senyales at sintomas ng breast cancer:
Bukol sa dibdib – Kung may nakakapa kang bukol sa iyong dibdib, itaas ng dibdib, o gilid ng dibdib sa parteng may kili-kili, posibleng ikaw ay may breast cancer. Kahit wala kang nakikitang bukol o nakakapang bukol, basta kung ang pakiramdam mo ay may bukol sa iyong dibdib, magpa-konsulta na agad sa doktor.
May lumalabas na likido sa suso – Isa pang senyales ng breast cancer ay ang paglabas ng likido sa iyong suso lalo na at hindi ka naman isang breastfeeding mom. Kadalasan, ang likidong lumalabas ay may halong dugo at medyo may amoy.
Paglubog ng iyong utong – Sa taong may breast cancer, mapapansin na unti-unting lumulubog ang utong. Posibleng ito ay dahil sa pag-atake ng cancer cells sa iyong nipple ducts, kaya naiiba ang porma ng iyong utong.
Pagkakaroon ng mala-dalandan na balat sa suso – Kung datirati ay makinis ang iyong suso, pero ngayon ay nagkaroon ng mga ukab-ukab o parang balat ng dalandan, posibleng ikaw ay may breast cancer. Ang pag-uukab ay dulot ng maraming pagtubo ng bukol sa iyong dibdib kaya hindi na nagiging makinis ang balat nito.
Mas malaki at mas lawlaw ang isang suso – Normal sa isang babae at isang breastfeeding mom ang hindi magkapantay o hindi magkasinglaki ang suso. Pero kung napansin mong mas malaki at mas lawlaw ang isa mong suso sa normal, posibleng ikaw ay may breast cancer. Ang namumuong bukol kasi ay nagdaragdag ng bigat sa iyong suso na siyang sanhi ng lalong paglaki nito at paglawlaw.
Pamumula o pamamaga ng suso – Ang pamumula ng suso ay senyales na naiipit ng mga bukol ang lymph vessels ng iyong suso, na siya namang susundan ng pamamaga. Pero kung ikaw ay malapit nang magkaroon ng regla, hindi ka dapat maalarma. Normal lang na mamaga ang suso bago magka-regla.
Kung may nararanasan kang alinman sa mga senyales at sintomas na nabanggit sa taas, huwag mag-aatubiling magpa-konsulta sa doktor.
Tandaan, ang breast cancer ay nakamamatay. At ang 300 pesos na pampa-checkup ay barya lang kumpara sa aktwal na magagastos mo kung ang breast cancer mo ay lumala.
Save your breasts, save your life.
Sources:
Understanding Breast Cancer
Breast Cancer and How to Prevent It
Paano Malalaman Kung Mayroon Kang Breast Cancer?
Breast Cancer Signs and Symptoms
0 Mga Komento