Habang ikaw ay nagbubuntis, posibleng mamanas ang iyong mga paa lalo na pagsapit ng iyong third trimester (7-9 months). Ito ay normal lamang. Kasi habang lumalaki ang bata sa iyong sinapupunan, naiipit nito ang iyong pelvic veins at vena cava. Kapag naipit ang mga ugat na ito, naiipon ang tubig sa iyong mga ugat kaya ikaw ay namamanas.
Para maibsan at hindi lumalala ang pamamanas ng iyong paa, mabuting gawin ang mga sumusunod:
1. Itaas ang mga paa kapag ikaw ay nakaupo o matutulog.
Sa lahat ng mga babanggitin kong gamot sa pamamanas ng paa, ito ang pinaka-effective sa akin noong ako’y nagbubuntis. Ang pagtaas ng paa kasi ay nakakatulong para dumaloy ang labis na tubig pabalik sa iyong puso.
Mas effective din kung papaikut-ikutin mo nang dahan-dahan ang iyong mga paa at igagalaw-galaw ang mga daliri nito habang ikaw ay nakaupo.
2. Isama ang pagkain ng munggo o balatong sa iyong diet.
Ang pagkain ng munggo para mawala ang manas ay hindi lang basta-bastang kasabihan ng matatanda. May science sa likod nito. Dahil ang buntis ay mas mainit ang pakiramdam, nagkakaroon ng pamamanas ang kanyang katawan, lalo na ang mga paa.
Para mabalanse ang temperatura ng buntis, kumain ng munggo. Ang munggo ay may kakayahang “magpalamig” ng temperatura ng katawan para maiwasan ang pamamanas. Mas maigi kung hihigop ka ng malamig na sabaw na may munggo para mas maging epektibo ito.
3. Kumain ng potassium-rich foods.
Bukod sa munggo, kumain din ng potassium-rich foods gaya ng saging, kamote, at avocado. Kapag kumain ka ng mga ito, dadalas ang iyong pag-ihi na siyang nakakatulong para mabawasan ang iyong pamamanas. Ang pagkain din ng potassium-rich foods ay nakakatulong para mailabas mo ang labis-labis na sodium (asin) sa iyong katawan.
4. Gumalaw lagi.
Para hindi mapirmi ang iyong pamamanas, mag-gagalaw ka. Mag-ehersisyo at huwag uupo o tatayo nang matagal. Naalala ko noong umuwi kami ng probinsiya. Limang oras akong nakaupo. Noong bumaba kami ng bus, naramdaman kong ang sikip na ng suot kong doll shoes, namanas na pala ang paa ko.
5. Uminom ng salabat.
Isa pang mabisang pang-gamot ng pamamanas ng paa ay ang pag-inom ng salabat. Ang luya kasi ay mabisang pampaihi para mailabas mo ang sobra-sobrang tubig ng iyong katawan. Meron daw kasing gingerol ang luya na effective sa pamamaga o pamamanas.
Ikaw, anu-ano pa ang mga alam mong gamot sa pamamanas ng paa ng mga buntis? I-share sa comments.
0 Mga Komento