Nakakita na ba kayo ng batang nilalagnat na kinukumbulsyon? Para siyang nangingisay at tumitirik pa ang mga mata. Talaga namang nakakatakot kapag nasaksihan mong kinukumbulsyon ang isang tao, lalo na kapag bata. Pero sa oras na mangyari ito sa inyong anak, kalma lang. Huwag mataranta. Sa basahin na ito, malalaman niyo kung paano lapatan ng pangunahing lunas o first aid ang batang kinukumbulsyon.
Ano ang kombulsyon sa bata?
Kapag ang bata ay mayroong mataas na lagnat, maaari siyang makaranas ng kombulsyon. Ang kombulsyon o seizure ay ang hindi makontrol na pangiginig ng katawan. Kadalasan, ang mga kamay at paa ay nagsisitikwas sa pangingisay. Sa ibang bata naman na kinukumbulsyon, simpleng panginginig lang ang nagaganap.
Ang kombulsyon ay karaniwang nakaaapekto sa mga batang 5 years old pababa. Karaniwang nangyayari ito kapag ang bata ay mayroong lagnat na 38°C pataas. Hindi naman lahat ng batang nilalagnat ay kinkombulsyon. Madalas lamang itong mangyari kapag nasa lahi niyo na ang kondisyong ito.
Ayon sa mga nababasa ko, ang simpleng kombulsyon ay karaniwang nagtatagal hanggang 15 minuto. Bukod sa pangingisay o panginginig ng katawan, pwede ring mawalan ng malay ang bata at magsuka o mag-ihi habang kinokombulsyon. Pwede ring manigas ang kanilang leeg at mahirapan sa paghinga.
Base naman sa mga naoobserbahan ko noong naduty pa ako sa pedia ward, pwedeng umulit-ulit ang kombulsyon ng ilang beses sa loob ng 24 hours. Minsan, ang kombulsyon ay nagtatagal ng 2-5 minutes. Then uulit siya kapag tumaas ulit ang lagnat ng bata sa gabi.
Ano ang first aid sa batang kinukumbulsyon?
Kung ang anak niyong nilalagnat ay kinukumbulsyon, narito ang pwede niyong gawing first aid o pangunahing lunas:
- Tingnan kung anong oras nag-umpisa ang kombulsyon at gaano ito katagal. Kapag ang lagpas 5 minutes ang panginginig, dalhin sa ospital ang iyong anak upang mabigyan ng tamang gamot. Kung hindi naman, pwedeng lunasan lang ito sa bahay.
- Ihiga ang bata sa isang sahig na may kutson. Kung ang bata ay hindi gaanong matikwas habang kinukombulsyon, pwedeng ihiga na lamang siya sa kama. Pero kung ang bata ay masyadong matikwas at posibleng malaglag sa kama, ilatag na lamang yung kutson ng kama sa sahig at doon siya ihiga para hindi malaglag. Kung walang kutson, latagan ang sahig ng banig at lagyan ito ng kumot o malaking tuwalya. Bantayang maigi ang bata.
- Ihiga ang bata nang nakatagilid. Para hindi ma-choke o mabulunan, ihiga ang bata nang nakatagilid. Pwede kasing maipon yung laway sa bibig habang kinokombulsyon. O kaya naman ay mayroong hindi mo alam na pagkaing nasa bibig ang bata. Paano itatagilid eh galaw ng galaw at nangingisay nga? Pwede ka maglagay ng unan sa likod ng bata habang nakatagilid para hindi siya bumagsak nang nakahiga.
- Luwagan ang damit ng bata. Pwedeng makaranas ng hirap sa paghinga ang batang kinukumbulsyon kaya naman inaadvise na luwagan ang kanilang damit. Alisin ang mga butones ng damit malapit sa kwelyo. Tanggalin din ang mga salamin ng bata kung meron.
- Tanggalin ang mga nakakalat na bagay sa paligid. Para hindi mauntog o maaksidente ang bata habang kinukumbulsyon, tanggalin ang mga nakakalat na bagay sa paligid. Kung malapit ang hinihigaang kutson sa dingding, ilayo siya rito o kaya naman ay lagyan ng mga unan ang dingding.
- Hintaying matapos ang kombulsyon. Walang ibang dapat gawin kapag ang bata ay kinukumbulsyon kundi ang hintaying matapos ito at protektahan ang bata na maaksidente.
Pagkatapos ng kombulsyon, obserbahan ang bata. Punas-punasan ang katawan para bumaba ang temperatura. Palipasin ang ilang mga oras bago bigyan ng gamot sa lagnat ang bata. Baka kasi umulit agad ang kombulsyon at magsilbi lamang na choking hazard ang tableta.
Mga paalala kapag kinukumbulsyon ang bata
Maraming iba’t ibang paniniwala o paraan ng paggamot kapag ang bata ay kinukumbulsyon dahil sa lagnat. Upang hindi lalong lumala ang kondisyon ng bata, gawin ang mga sumusunod na paalala:
- Huwag pipigilan ang bata sa pangingisay. Kapag hinawakan o pinigilan mo ang mga braso o paa ng iyong anak, baka mabalian lamang siya. Kaya hayaan lamang na mangisay hanggang matapos. Kung umuusod ang katawan ng bata, dahan-dahan lamang ulit ibalik sa dating pwesto.
- Huwag papasakan ng kutsara ang bibig. Pinaniniwalaan din na kailangang pasakan ng kutsara ang bibig ng batang kinukumbulsyon para raw hindi makagat at magdugo ang dila. Sa iba naman, para raw hindi umurong ang dila. Hindi umuurong ang dila kapag nagkokombulsyon. Ito ay old practice lamang. Sa mga makabagong gabay, hindi na nangangailan pang lagyan ng kung anu-ano ang bibig sapagkat maaaring mag-crack ang ngipin ng bata at maputol at magdulot pa ng pagkabulon. Sasabihin ng iba, sige, hindi na kutsara, nirolyong tuwalya na lang. Hindi rin pwede. Mahaharangan nito yung airway ng bata. Hindi na nga nakakahinga ng maayos. Eh pano yun? Makakagat yung dila? Sadly, base sa mga sources, mas maigi ng makagat ng bata ang kanyang dila at gamutin na lamang ito pagkatapos ng kombulsyon. Kung ikukumpara ito sa panganib na dulot ng paglalagay ng kutsara/tuwalya sa bibig, ang nakagat na dila ay hindi gaanong mapanganib.
- Huwag bibigyan ng tubig o gamot sa bibig habang nagkokombulsyon. Maaari itong magdulot ng pagkabulon.
Kailangan bang dalhin sa doktor ang batang kinumbulsyon?
Ayon sa mga medical sources, hindi na kailangan pang dalhin sa doktor ang batang kinombulsyon sapagkat maaaring lunasan na lamang ito sa bahay lalo na kung ikaw ay may kaalaman na. Pero kailangang dalhin sa doktor ang batang kinumbulsyon kapag:
- Kauna-unahan niya itong episode ng kombulsyon
- Mahigit 5 minutes ang kombulsyon
- Mahigit isang beses ang kombulsyon, o kinumbulsyon ng dalawang sunod o higit pa within 24 hours
- Hindi magising ang bata pagkatapos ng kombulsyon
- Nagkaroon ng injury ang bata habang kinukumbulsyon
References:
Febrile Seizures Fact Sheet
Febrile Seizures
Kung may kasamang kumbulsyon ang lagnat ng bata
0 Mga Komento