Lalaki man o babae, pwedeng magkaroon ng tulo o gonorrhea sa wikang Ingles. Ang tulo ay isang uri ng STD o sexually transmitted disease. Ito ay nakahahawang sakit na nakukuha sa iba’t ibang klase ng pakikipagtalik gaya ng vaginal sex, oral sex, at maging anal sex.
Ang tulo ay sanhi ng bacteria na tinatawag na Neisseria gonorrhoeae. Ang bacteria na ito ay mahilig manirahan sa basa at mainit na parte ng katawan gaya ng ari ng lalake o babae, lalamunan, pwet, at kahit sa mata.
Kapag ikaw ay may tulo, makakaramdam ka ng alinman sa mga sumusunod na sintomas:
Sintomas ng tulo sa lalaki
- parang maiihi lagi, minsan ay kakaunti o wala namang lumalabas na ihi
- pananakit ng bayag
- pamamaga at pamumula ng dulo ng ari
- may tumutulong nana sa ari
- masakit na lalamunan
- pamumula at pananakit ng mata
Sintomas ng tulo sa babae
- parang maiihi lagi, minsan ay kakaunti o wala namang lumalabas na ihi
- pananakit o paghapdi ng ari habang umiihi
- may bahid ng dugo ang ihi
- may nana ang panty, kulay berde o dilaw
- pananakit ng lalamunan
- pamumula at pananakit ng mata
Ang mga sintomas na nabanggit ay maaaring hindi mo maranasan lahat gaya ng pananakit ng lalamunan, at pamumula at pananakit ng mata. Mananakit lang ang iyong lalamunan at mga mata kung naimpeksiyon din ang mga ito.
Para gamutin ang iyong tulo, sundin ang mga sumusunod na payo:
Gamot sa tulo o gonorrhea: Antibiotic
Dahil ang tulo ay isang uri ng impeksiyon, ang pangunahing gamot dito ay antibiotic. Kadalasan, ang antibiotic na nirereseta para sa mga may tulo ay Ciprofloxacin o Levofloxacin. Pwede ka ring resetahan ng Doxycycline o Azithromycin.
Hindi ba kaya ng Amoxicillin ang tulo?
Kung noon siguro, kaya pa ng Amoxicillin na gamutin ang tulo. Pero ngayon, mas malalakas na ang strain ng mga bacteria. Kumbaga, nag-level up na sila at hindi na sila kayang gamutin ng Amoxicillin lang basta-basta.
Mabibili ba ang mga antibiotic para sa tulo kahit walang reseta?
Matagal nang may regulasyon na kapag antibiotic ang bibilhin, dapat ay may reseta. Pero hindi pa ganoon kahigpit noon. Noon, makakabili pa ng Ciprofloxacin nang walang reseta. Pero ngayon, ni Amoxicillin, hindi ka na makakabili sa mga kilalang pharmacies kapag wala kang reseta.
Kaya para makabili ka ng antibiotic, kailangan mo talagang magpakonsulta sa doktor kahit na pakiramdam mo ay nakakahiya. Pero hindi dapat mahiya. Ang mga doktor ay pinoprotektahan ang privacy ng kanilang mga pasyente. Kung hindi ka agad iinom ng antibiotic, maaari itong lumala at kumalat ang impeksiyon sa iyong reproductive system at magdulot ng pagkabaog.
Pwede bang home remedies o herbal na gamot na lang para gumaling ang tulo?
Maraming home remedies o herbal na gamot para mabawasan ang sintomas ng iyong tulo gaya ng pananakit habang umiihi. Nariyan ang pag-inom ng buko juice, gatas, at iba pa. Pero hindi ka gagaling kung ito lang ang gagawin mo. Kailangan talaga ng antibiotic.
Sources:
Ano ang gamot sa tulo ng lalaki?
Sexually-transmitted disease
Ano ba ang tulo?
0 Mga Komento