Home Remedy Para sa Masakit na Ngipin Kung Hindi Makabili ng Gamot

gamot sa masakit na ngipin

Karamihan sa ating mga Pinoy ay walang pambili ng gamot, o sadyang nanghihinayang lang na gumastos. Kaya kahit sumasakit nang todo ang ngipin, hahayaan na lang at titiisin hanggang sa mawala ang sakit.

Kung hindi talaga makakabili ng gamot para sa masakit na ngipin, pwede mo pa ring lapatan ito ng lunas sapagkat mayroong mga gamot para dito na matatagpuan lamang sa iyong kusina. Nais ko lamang ibahagi ang lunas sa sakit ng ngipin na aking ginawa.

  1. Magpakulo ng tubig.
  2. Isalin ang pinakuluang tubig sa isang baso o tasa.
  3. Haluan ng isang kutsaritang asin.
  4. Lagyan ng tinadtad na bawang (mga 2-3 cloves)
  5. Haluin ang mga ito at hayaang medyo mawala ang sobrang init bago imumog.

Ginamit ko ang lunas na ito nang sumakit ang ngipin at namaga ang gilagid at pisngi ng aking asawa. Hindi na kasi tumalab ang iniinom niyang pain reliever kaya naghanap ako ng alternatibong solusyon.

Ayon sa aking pananaliksik sa posibleng home remedies para sa masakit na ngipin, ang asin ay mainam na pampawala ng pamamaga ng gilagid samantalang ang bawang naman ay mayroong anti-bacterial properties na pumupuksa ng impeksiyon sa ngipin.

Ang madalas kong nababasang paghahanda sa home remedies na ito ay ang pagdurog ng bawang at hahaluan ito ng asin. Pagkatapos maihanda, ang mga ito ay direktang ipapahid at imamasahe sa apektadong ngipin.

Naisip kong medyo masakit ang ganitong paraan kaya naisipan kong ihalo na lamang ang mga ito sa mainit na tubig para mumugin. Isa pa, ang pagmumog ng mainit na tubig ay nakapagbibigay ginhawa at nakakatulong sa pagtanggal ng pamamaga.

Pagkatapos mumugin ang lunas na ito, magpahinga o matulog. Nawala ang pamamaga at sakit ng ngipin ng aking asawa pagkalipas ng dalawang oras. Bagamat hindi ito kasingbilis umepekto ng mga mamahaling pain reliever, nakatulong pa rin ito para maibsan ang masakit niyang ngipin.

Kung patuloy pa ring sumasakit ang iyong ngipin, pinaka-mainam na gawin ay magpa-check up na sa dentista.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento