Kung umiiyak ang iyong baby, ang pagpapatahan nito ay depende sa kung anong dahilan. Narito ang iba’t ibang dahilan kung bakit umiiyak ang sanggol at paano sila patahanin.
1. Puno na ang diaper ni baby.
Ito ang isa sa mga kaunahang dapat niyong tingnan. Baka puno na ang diaper ni baby at ang dumi/ihi ay nagdudulot ng pagkairita sa kanyang puwet. Para tumahan si baby, linisin ang kanyang puwet at palitan ang diaper para guminhawa ang kanyang pakiramdam.
2. Nagugutom si baby.
Kung malinis pa naman ang diaper, marahil ay nagugutom na ang iyong sanggol. Pasusuhin siya para tumigil ang pag-iyak. Ayon sa Kalusugan.ph, dapat pasusuhin ang baby na may edad 1-6 months ng 8-12 beses sa loob ng isang araw.
3. Naiinitan o nalalamigan si baby.
Kung hindi naman gutom ang iyong anak, baka naman umiiyak siya dahil sa mainit o malamig na panahon. Pinagpapawisan ba siya? Nanginginig ba siya? Alinman sa dalawang ito, dapat presko si baby kung naiinitan, o dapat nakasuot siya ng makakapal na damit kung nalalamigan.
4. Gusto nang matulog ni baby.
Ang iyong sanggol ay maaaring pagod na. Ihele siya para makatulog o haplus-haplusin. Pwede mo rin siyang pasusuhin para makatulog.
5. Nakagat ng insekto si baby.
Tingnan ang buong katawan ng iyong sanggol kung may mapupulang butol o rashes. Para maalis ang pangangati, haplusin ang balat nang dahan-dahan. Huwag kakamutin. Pwede mo ring lagyan ng baby powder para mabawasan ang pangangati. Para hindi na makagat ng insekto si baby, gumamit ng kulambo nang walang makapasok na anumang insekto gaya ng lamok.
0 Mga Komento