Noong napaso ang tuhod ko noong bata pa lamang ako, ang lunas na ginawa ng nanay ko ay pahiran ito ng toothpaste at pinagbilinan akong huwag pisain ang blister (lumobong paso na nagtubig).
Bakit naging pangkaraniwang gamot ang toothpaste sa paso?
Tinanong ko ang nanay ko, bakit toothpaste eh pang-ngipin yun. Ang sabi niya malamig kasi ang toothpaste kaya nakakatulong ito sa pagkawala ng init ng paso. At nakakatulong ito para mawala ang nararamdamang sakit ng pagkapaso dahil may “numbing properties” ito o pampamanhid.
Gumaling naman ang aking paso ng toothpaste lamang ang ginagamot sa tuhod ko.
Pero gamot ba talaga ang toothpaste sa paso?
Noong hindi na ako isang musmos at mas nagkaisip na ako, hindi pala talaga okay na pahiran ng toothpaste ang paso.
Bagamat maraming health websites o home remedy websites ang sumasang-ayon sa pagpahid ng toothpaste sa paso, ang ilang mga doktor ay hindi sang-ayon dito lalung-lalo na kung may “open wound” o sugat ang napasong parte ng katawan.
Kaya hindi nirerekomenda ng mga doktor na pahiran ng toothpaste ang paso kasi ito ay hindi “sterile” – hindi malinis kumbaga. At kapag pinahiran ng hindi sterile na bagay ang anumang sugat gaya ng paso, maaaring magka-impeksyon.
Ano ngayon ang pinakamainam na gamot para sa paso?
Imbis na toothpaste, ipinapayo ng mga doktor na itapat lamang ang napasong parte ng katawan sa ilalim ng dumadaloy na tubig sa gripo para maibsan ang init at sakit ng paso. Kusa na itong maghihilom pagkalipas ng mga ilang araw.
Para sa malalang paso, kailangan nang dalhin sa ospital.
Photo Credit:
From Home Remedies World
0 Mga Komento