Ang sanhi ng pagtatae o LBM ay iba’t iba ang dahilan. Pero ang pinaka-pangkaraniwan kung bakit nasisira ang iyong tiyan ay dahil sa may nakain kang sirang pagkain o nakainom ka ng maruming tubig.
Para gamutin ang pangkaraniwang pagtatae, gawin ang mga sumusunod:
Palitan ang nawalang tubig sa katawan.
Kada pagkatapos magtae, uminom ng tubig. Kung sa karaniwan ay inaadvise na uminom ng 8 basong tubig sa isang araw, gawin itong 10 basong tubig.
Pwede ring uminom ng sports drink gaya ng Gatorade sapagkat nakakatulong itong manumbalik ang iyong lakas at pinapalitan nito ang nawalang electrolytes sa katawan gaya ng sodium at potassium.
Huwag agad uminom ng gamot sa pagtatae.
Inaadvise ng mga doktor na huwag muna agad uminom ng gamot sa pagtatae gaya ng Loperamid (Imodium). Hayaan munang makadumi ang nagtatae para mailabas ang anumang nakaing panis na pagkain o kontaminadong tubig. Base sa aking karanasan, hinahayaan ko munang makadumi ako ng 3 beses bago ako uminom ng Loperamide.
Mga dapat iwasang kainin at dapat kainin kapag nagtatae:
Kapag nagtatae, huwag muna kumain ng pagkaing magatas, mamantika at matataba. Huwag din munang magkape at uminom ng alak. Sapagkat ang mga pagkaing ito ay nagpapalala ng pagkasira ng tiyan.
Pinakamainam na kainin ng nagtatae ay sopas ng manok, gelatin at lugaw. Pakainin din ang nagtatae ng saging at mansanas para tumigas ulit ang kanyang dumi. Kung gusto naman kumain ng tinapay, pwede ang plain flavor ng Skyflakes.
Ang pagtatae ay kadalasang nawawala sa loob ng 2-3 araw. Pero kung mahigit na dito at sobrang lala na ng pagtatae (sobrang panghihina, lubog na lubog ang mga mata, may dugo ang dumi, at iba pa), dalhin na ang pasyente sa ospital.
Sources:
http://kalusugan.ph/ano-ang-gamot-sa-pagtatae-o-diarrhea/
http://www.philstar.com/psn-opinyon/2014/02/06/1287202/pagtatae-ano-ang-solusyon
0 Mga Komento