Talagang nakaaawa ang mga sanggol pagkatapos mabakanuhan sapagkat masakit ito para sa kanila. Ganunpaman, kailangan nila ang mga bakuna upang makaiwas sa iba’t ibang uri ng nakamamatay na sakit.
Marami namang maaaring gawin upang maibsan ang kanilang nararamdamang sakit pagkatapos ng bakuna. Ang mga sumusunod na mungkahi ay base sa aking sariling karanasan nang pinabakunahan namin ang aming anak noong siya ay sanggol pa lamang. Ang mga mungkahing ito ay galing din sa doktora sa health center na nagbakuna sa kanya.
1. Mag-apply ng pressure at imasahe nang bahagya ang hita o braso na binakunahan.
Pagkatapos bakunahan si baby, mag-apply ng pressure sa tinurukang bahagi. Idiin lamang nang mas maigi ang bulak sa injection site. Masahihin din ito nang bahagya.
Nakatutulong ang pagdiin sa injection site upang hindi gaanong lumobo at mamaga ito. Samantalang ang pagmamasahe naman ay nakatutulong upang maging pantay ang distribution ng gamot sa kanyang kalamnan.
Sa ibang mga doktor, hindi nila ipinapayo ang pagmamasahe sa injection site kasi maaari raw magbackflow ang gamot. Nasa sa inyo na lamang kung susundin alin ang susundin niyo sa mga ito. Para sakin, effective yung pagdiin at pagmasahe kasi hindi lumobo yung injection site pagkatapos.
2. Bigyan si baby ng gamot sa lagnat.
Pinayuhan din kami ng doktor na bigyan si baby ng gamot sa lagnat pagkauwi ng bahay. Bukod sa napreprevent nito na magkaroon ng lagnat si baby, ang gamot sa lagnat ay mayroon ding analgesic properties. Ibig sabihin nito, nagsisilbi rin itong pain reliever. Sundin lamang ang takal na sinabi ng doktor.
3. Alternate cold and hot compress
Yung doktora sa health center, ipinayo samin na gawing alternate ang cold at hot compress. Ang cold compress ay nakatutulong upang mabawasan ang pamamaga sa injection site. Samantalang ang hot compress ay nakatutulong sa pagdilate ng blood vessels upang maging mas mabilis ang paghilom ng sugat.
Pagkauwing-pagkauwi sa bahay, i-cold compress agad ang hita ni baby. Kumuha lang ng malinis na bote at lagyan ito ng malamig na tubig. Balutan ito ng tuwalya para hindi gaanong malamigan ang balat ni baby. Kapag nawala na ang lamig, palitan ang tubig ng mainit na tubig. Balutan din ito ng tuwalya bago ilagay sa pinagbakunahang bahagi.
Tandaan
Kung sa una pa lang ay nakalimutan nang diinan ang injection site at hindi ito minasahe, pwedeng lumobo, magkabukol, at mamaga ang hita ni baby. Bukod dito, maaari rin siyang magkaroon ng lagnat dahil sa sobrang pamamaga.
0 Mga Komento