Nakakataranta talaga kapag nasugatan mo yung sarili mo o kaya naman ay nagkasugat yung anak mo. Parang hindi mo alam ang gagawin kasi may dugo. Kung ang sugat ay gasgas lamang o dulot ng aksidenteng pagkakahiwa, pwede mo namang gamutin lamang ito sa bahay. No need na pumunta pa ng emergency room lalo na kung may panglinis naman kayo ng sugat sa bahay. Pero siyempre, may mga exemptions tayo. Pag-uusapan din natin yan dito.
First aid sa sugat
*May mga importante po tayong notes tungkol sa first aid sa sugat. Huwag kalimutang basahin.
In case na may masugatan sa pamilya niyo, pwede niyong gawin ang mga sumusunod na first aid o pangunang lunas para sa sugat:
First aid para sa mababaw at hindi madugong sugat
- Buhusan ang sugat ng tubig upang maalis ang mga nakakapit na dumi o alikabok. Kung hindi maalis ang mga nakakapit na dumi ng tubig, tiyaniin ang mga ito. Pwede ring gumamit ng agua oxigenada o hydrogen peroxide upang matanggal ang mga dumi-dumi.
- Pagkatanggal ng mga dumi, linisin ang paligid ng sugat gamit ang sabon at tubig. Iwasan ang pagsabon sa mismong sugat kasi bukod sa mahapdi, pwede itong magdulot ng iritasyon.
- Dampian ang sugat ng malinis na tuwalya pagkatapos hugasan upang matuyo-tuyo.
- Pahiran ang sugat ng povidone-iodine (Betadine) upang mapatay ang mga bacteria.
- Kung walang betadine, pwede ring pahiran ang sugat ng antibiotic cream upang maiwasan ang pamamaga at impeksyon.
- Tapalan ang sugat ng gasa upang hindi ito madumihan at maimpeksyon.
- Linisin ang sugat at palitan ang gasa 1x a day.
Notes:
Tungkol sa paggamit ng agua oxigenada o hydrogen peroxide. Baka may nababasa kayo na masama ang paggamit ng agua oxigenada para sa sugat. Maaaring totoo iyon kung gagamitin ito sa paglilinis ng sugat araw-araw habang hindi pa gumagaling. Pero pwede namang gamitin ito sa kauna-unahang araw na nagtamo ng sugat ang pasyente. Useful ito para matanggal yung mga nagdikit na dumi o alikabok kasi inaangat ng pagbula ng agua oxigenada ang mga duming medyo nanuot sa sugat.
Tungkol sa paggamit ng povidone-iodine (Betadine). May ilan na naniniwala na hindi na kailangan pang lagyan ng Betadine ang sugat kasi nagdudulot daw ito ng irritation. Subalit, ang mga bagong formulation ng Betadine ay hindi na nagdudulot ng iritasyon o panghahapdi. Kahit sa mga ospital, ang ginagamit ng mga doktor at nurse na panlinis sa mga sugat ng pasyente ay povidone-iodine.
Tungkol sa paggamit ng gauze o gasa. Sa unang mga araw ng sugat, pwede pa namang maglagay ng gasa para matakpan ito at hindi kapitan ng mga dumi. Pero kapag magaling-galing na ito, pwede ng hindi maglagay ng gasa upang mabilis matuyo ang sugat.
First aid para sa medyo malalim at madugong sugat
*Para lamang ito sa mga madugong sugat na dulot ng aksidenteng pagkakahiwa at iba pa.
- Mabilisang punasan ang paligid ng sugat gamit ang basang tuwalya upang matanggal ang anumang dumi.
- Pigilan ang pagdurugo sa pamamagitan ng pagbalot ng benda o malinis na tuwalya. Kailangan ay medyo madiin ang pagbalot upang mapigilan ang pagdurugo.
- Kung hindi pa rin tumitigil ang pagdurugo, dagdagan pa ito ng benda at itaas nang bahagya ang bahaging apektado. Kadalasan, kusang titigil ang pagdurugo ng mga ilang minuto.
- Pagkatigil ng pagdurugo, saka linisan ang sugat nang maigi. Hugasan ang paligid ng sugat gamit ang sabon at tubig. Banlawan at tuyuin ito.
- Linisin ang sugat gamit ang povidone-iodine (Betadine) upang mapatay ang mga mikrobyo. Pwede ring pahiran ang sugat ng antibiotic cream upang hindi gaanong mamaga at maimpeksyon.
- Tapalan ng gauze o gasa ang sugat.
- Linisin ang sugat at palitan ang gasa kahit 1x a day.
Notes:
→ Kung ang sugat ay masyadong malalim, yung tipong kita na ang mga taba at laman, dalhin ang pasyente sa ospital kasi kailangan itong tahiin. Hindi ko lang alam sa ibang ospital pero inabot kami ng hanggang 5k sa pagpapatahi ng malalim na hiwa, kasama na mga gamot.
→ Kung ang sugat ay dulot ng pagkakahiwa ng makalawang na bagay o pako, kailangang dalhin din ang pasyente sa ospital upang mabigyan ng anti-tetanus injection.
→ Ang paggamot sa sugat ay iba-iba depende sa sanhi at kung gaano kalala ito. Mayroon ding mga doktor na iba’t iba ang paraan ng paggamot sa sugat.
References:
First Aid Tips Para sa Mga Sugat at Gasgas
Gamot sa Sugat
0 Mga Komento