Kadalasan, kapag buntis na, kung anu-anong sakit na ang nararamdaman ng katawan gaya na lamang ng pagsakit ng mga ngipin. Dahil napupunta na ang halos lahat ng sustansya sa iyong baby, maging ang calcium ng iyong mga ngipin ay umuunti at nagreresulta sa pagkasira ng mga ito.
Kung ang iyong mga ngipin ay nagkanda-butas-butas na at nananakit dala ng pagbubuntis, maaari mong subukan ang mga home remedies na ito:
Pagmumumog ng maligamgam na tubig na may bawang at asin
Ang maligamgam na temperatura ng tubig ay nakababawas ng pamamaga ng mga ngipin sa pamamagitan ng pagsasaayos ng pagdaloy ng dugo sa mga ugat ng gilagid. Kapag hinaluan naman ito ng dinurog na bawang at asin, pinapatay nito ang anumang bacteria o mikrobyo na nasa ngipin.
Pagtapal sa ngipin ng dinikdik na bawang, luya, at sili
Ang bawang at luya ay parehas na may antibacterial properties kaya naman epektibo ang mga ito para sa masakit na ngipin. Ang sili naman ay naglalaman ng capsaicin na tumutulong upang mabawasan ang pananakit ng ngipin sa pamamagitan ng pagharang sa mga pain signal ng nerves ng ngipin. Sa madaling salita, nakatutulong ang sili sa pagpapamanhid ng sakit na nararamdaman.
Pag-inom ng niresetang calcium supplement ng iyong Ob-Gyne
Upang tumibay ang mga ngipin habang nagbubuntis, inumin ang niresetang calcium supplement ng iyong doktor. Bagama’t maraming calcium supplement ang pwedeng mabili nang walang reseta, maaaring ang ilang mga brand ay hindi safe para sa mga buntis.
Magmumog ng mga antibacterial gargle
Ang mga antibacterial gargle gaya ng Listerine at Betadine Povidone-Iodine Gargle ay pwedeng makatulong upang mabawasan ang pananakit ng ngipin ng buntis. Bukod sa antibacterial properties ng mga ito, ang maanghang na lasa nito ay pwedeng magdulot ng pamamanhid.
Uminom ng ligtas na pain reliever para sa buntis
Kung sa akin lang, ihuhuli ko ang home remedy na ito. Kahit na may safe na pain reliever para sa mga buntis gaya ng Biogesic o paracetamol, hangga’t maaari ay umiwas sa pag-inom ng kung anu-anong gamot. Maaari kasi itong makaapekto sa development ng baby.
Pinaka-the best pa rin na paraan ay kumonsulta sa Ob-Gyne o dentista kung anong pwedeng gamot sa masakit na ngipin ng buntis. Kayo, anu-ano pang mga paraan ang alam niyo?
0 Mga Komento