Diabetes: Bakit Nanghihina Kahit Kumain Na?

bakit nanghihina kahit kumain na diabetes

Ang isang taong may diabetes ay kadalasang nakakaramdam ng panghihina kahit na katatapos pa lamang kumain. Ang panghihina na nararamdaman ng taong may diabetes ay tinatawag na diabetes fatigue.

Bakit nagkakaroon ng panghihina ang taong may diabetes kahit kumain na?

Kapag ikaw ay may diabetes, madalas ay mayroon kang “high blood sugar level.” Ito ay nangangahulugan na ang glucose o sugar ng iyong katawan ay naka-pirmi o naka-tambay lamang sa daluyan ng iyong dugo.

Dapat kasi, ang sugar ay hindi nananatiling naka-pirmi sa dugo, dapat ito ay nakakapasok sa cells o mismong laman ng ating katawan para magkaroon ng lakas. Sa taong may diabetes, hindi makapasok ang sugar sa kalamnan kasi kulang sa hormone na insulin.

Ang insulin kumbaga ay nagsisilbing pinto para makapasok ang sugar sa cells. Kaya kahit kumain ang may taong diabetes, minsan o madalas ay nakakaranas siya ng panghihina kasi walang pinto (o nakasarado lamang ito) para makapasok ang sugar sa cells.

Ano ang dapat gawin para hindi manghina ang taong may diabetes?

1. Uminom ng gamot sa diabetes. 

Inumin ang anumang niresetang gamot ng iyong doktor para magkaroon ng karagdagang insulin sa katawan, para tuluyang makapasok ang sugar sa mga kalamnan.

2. Mag-exercise ng hindi gaanong mabigat sa katawan. 

Dahil ikaw ay nanghihina, natural wala kang ganang mag-ehersisyo nang intensive. Kaya naman, light exercises lamang ang maaari mong gawin gaya ng paglalakad. Kung ayaw mo namang maglakad, pwede kang umupo o tumayo at i-shake ang iyong mga kamay at paa. 
Ang pag-eehersisyo kasi ay nakakatulong para “mauga” at “magbukas” ang mga available na insulin sa katawan. Kumbaga kapag nagexercise ka, mag-swiswing yung pinto ng insulin at magkakaroon ng tyansang makalusot ang sugar papunta sa cells.
Kung sobra-sobra na ang nararamdamang panghihina, magpakonsulta sa doktor.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento