Noong nag-aaral pa lang ako ng nursing, ayon sa prof namin, kapag ikaw ay nagbubuntis, WALA ka pang halos mararamdaman na sintomas sa una hanggang dalawang buwan. At ang tanging indikasyon lamang na baka buntis ka nga ay kung hindi ka pa nagkakaroon ng regla.
Pero posibleng may maramdaman ka agad na mga sintomas ng pagbubuntis kahit dalawang linggo pa lang ang nakakalipas mula sa araw ng inyong pagtatalik ng iyong partner, katulad ng nangyari sa akin.
Nang nagbalak na kaming mag-asawa na magkaroon ng anak, 2 weeks pa lang ay ramdam ko agad na may kakaiba sa aking katawan. Inakala kong ang mga sintomas na ito ay malapit lang akong magkaroon ng regla. Pero hindi pala. Buntis na pala ako.
Kaya kung ikaw ay nag-iisip kung buntis ka ba o hindi, narito ang mga ilang sintomas ng pagbubuntis sa unang buwan.
1. Mabilis kang mapagod kahit sa mga pang-araw araw mong gawain.
Pansin ko, kapag naghuhugas ako ng pinggan, ang bilis ko nang mapagod. Yung tipong hinihingal ka na sa konting minuto ng iyong pagkakatayo. Umuupo pa ako sa silya para magpahinga saglit. Kahit nga ang simpleng pag-jerbaks, napapagod din ako. Inisip ko, kulang lang ako sa exercise kaya mabilis na akong mapagod.
2. Pagduduwal o pagsusuka ng laway.
Minsan, naduduwal ako at nagsusuka ng laway. Hindi ko naman pinagsuspetsahan na baka buntis ako kasi minsan, hina-highblood ako kapag kulang sa tulog at naparami ang kain. At kapag highblood ako, naduduwal ako at nagsusuka ng laway.
3. Pananakit ng suso.
Isa rin sa mga sintomas ng pagbubuntis ay ang pananakit ng suso. Pero senyales din ito na malapit ka nang magkaroon ng regla kaya talagang nakakalito. Noong sumakit ang suso ko, akala ko malapit na ako magkaroon kaya hindi ko pa rin pinagsuspetsahan na buntis ako.
4. Stomach cramps o pananakit ng tiyan sa may bandang ibaba ng pusod.
Ang stomach cramps ay isa ring sintomas ng pagbubuntis kasi nagkakaroon na ng bata sa loob ng iyong tiyan. Pero noong nagka-stomach cramps ako, inisip ko lang na malapit na ako magkaroon ng regla. Ilang napkin nga ang nasayang ko dahil akala ko ay magkakaroon na talaga ako.
5. Pag-cracrave ng iba’t ibang pagkain.
Eto, hindi ko talaga inisip na buntis ako kasi sadyang mahilig ako kumain. Pero lahat ng mga nagtitinda online ng masasarap na pagkain gaya ng laing, butcheron, chicharon, special suka, mga bagong labas na menu ng Mcdo at KFC, lahat yun pinabili ko sa asawa ko. Nilaklak ko pa nga ang isang buong bote ng special suka kahit wala na akong kinakaing chicharon. As in ininom ko talaga.
6. Nadidighay na parang may kabag.
Noong di ko pa alam na buntis ako, parati akong nadidighay. Wala pa naman akong kinakain. Di ba nadidighay ka lang kapag nakakain ka na? Pero yung pagdidighay pala ay sintomas na rin ng pagbubuntis.
7. Nakakaramdam ng pagkahilo.
Ito na talaga ang nag-udyok sa akin para bumili na ng Pregnancy Test (PT) kahit isang araw pa lang akong delayed.
Isang umaga, babaguhin ko sana ang pwesto ko ng pagkakahiga. Pero nang binaling ko yung katawan ko pa-kaliwa, nakaramdam ako ng pagkahilo. Inisip ko lang na baka dahil yun sa biglaang paggalaw ko. Di ba ganon naman talaga kapag minsan? Yung nahihilo ka kapag biglaan kang gumalaw o bumangon mula sa pagkakahiga?
Pero kinagabihan, nakaupo lang ako sa kama, nag-lalaptop. Tapos nakaramdam ako ng hilo. Sa sobrang sama ng pakiramdam ko, napaiyak na lang ako. At naisip ko talagang buntis na ako.
Sinabi ko sa aking asawa lahat ng mga sintomas na nararamdaman ko. Hindi rin kasi kami sigurado kung sintomas nga ba ang lahat ng ito ng pagbubuntis kasi ang aga ko namang naramdaman yung mga sintomas.
Pero dahil nakikita niya naman na mukhang ang sama sama talaga ng pakiramdam ko, bumili ang asawa ko ng PT at noong nag-test ako, lumabas na positive. Natutuwa kami kasi nabuntis ako kaagad sa isang try kahit tumatanda na kami.
Ang hirap pala magbuntis. Parang lagi kang may sakit at walang energy. Ang bilis ko rin magutom pero ayaw kong kumain. Kasi pag kumain ako, parang gusto ko ring isuka lahat ng kinain ko. At parang na-stuck lang yung mga kinakain ko sa lalamunan ko. Kaya ang ending, sinusuka ko rin talaga lahat. Anim na buwan akong suka nang suka.
Kayo mga mommies, nakaramdam din ba agad kayo ng mga sintomas sa unang buwan ng inyong pagbubuntis?
0 Mga Komento