Tips Para Gumaling ang Ubo at Sipon ni Baby

gamot sa ubo at sipon ng baby
Image Source: The Champa Tree

Kapag may ubo at sipon ang iyong baby, talaga namang nakakabahala. Lalo na kung ang baby mo ay bagong silang o 0-3 months pa lang.

Gaya ng baby namin, nagkaroon siya ng ubo at sipon noong siya ay 1-1/2 months pa lang. Dala na rin siguro ng malamig na panahon, December siya nagkasakit. O kaya naman ay nahawa siya ng kung sino mang nakasalubong namin na may ubo at sipon nang dinala namin siya sa center para pabakunahan.
Alam namin na delikadong magkaroon agad ng ubo at sipon ang bagong silang pa lang, kasi pwede itong maging pulmonya, at ito ay nakamamatay. Agad kaming nagpa-schedule sa pedia para maipa-checkup ang baby namin.
I-shashare ko lang sa inyo ang iba’t ibang tips para hindi lumala at gumaling ang ubo at sipon ng iyong baby. 

1. Dalhin agad ang inyong baby sa pedia lalo na kung siya ay 0-3 months pa lang.

Sobrang hina pa ng resistensya ng mga bagong silang na sanggol. Madali silang dapuan ng mga sakit-sakit kahit na sobrang ingat mo sa pag-aalaga sa kanila. Kaya huwag ma-guilty at kung pakiramdam mo ay naging pabaya kang ina or ama.
Dapat ipa-checkup agad ang iyong baby sa pedia para matingnan nang mabuti kung ito ba ay normal na ubo at sipon lamang, o kung ito ay pulmonya na ba. Huwag magpatumpik-tumpik pa at manghinayang sa perang pampa-checkup, 300-350 lang naman ang pampa-checkup kadalasan. Kung walang pera, dalhin sa center para libre. May mga naka-assign na doktor doon.

2. Huwag hayaang matuyuan ng pawis ang iyong baby.

Nakakalala ng ubo at sipon kapag pinagpawisan ang iyong baby. Lagyan siya ng sapat na bentilasyon para maiwasan ang masyadong pagpapawis. Buksan ang bintana para makapasok ang hangin. Kung bubuksan naman ang bentilador, huwag itong idirektang itapat kay baby.
Palitan lagi ng damit  ang iyong baby every 3-4 hours, kahit na hindi mo nakakapa kung pinagpawisan ba siya. Iangat-angat ang iyong baby sa pagkakahiga. Kargahin siya o iba-ibahin ang pwesto niya sa kama para hindi mapirmi at pagpawisan.

3. Dalasan ang pag-breabreastfeed o pagpapainom ng formula milk.

Nung nagpunta kami sa pedia, pinayo ng doktor na iincrease namin ang feeding ng aming baby. 3 oz siya at every 3 hours ang normal niyang feeding time. Sabi samin ng doktor, gawing 4 oz ang gatas at every 2 hours ang pagpapainom. Formula milk kasi ang baby namin.
Huwag painumin ng tubig ang mga sanggol na may edad 0-5 months. Basta gatas lang. Para may nutrients na pumapasok sa katawan. Para na rin ma-flush ang sipon at plema.

4. Painumin ng niresetang gamot.

Ang niresetang gamot sa aming baby ay antibiotic at mucolytic. Ang diagnosis kasi sa kanya ay bronchitis. Bronchitis, ibig sabihin ay may pamamaga sa daanan ng hangin na ang dulot ay bacteria. Yung antibiotic ay para mapuksa ang impeksyon, at yung mucolytic naman ay para lumambot ang plema at mailabas ng iyong baby. Depende sa edad ang takal ng gamot. Via dropper lang naman.

5. Pausukan ang iyong baby.

Niresetahan din ang aming baby ng pampausok para makahinga siya nang ayos. Gagamitan ng nebulizer. Nanghiram kami sa kapitbahay namin noong unang mga araw, pero bumili na rin kami ng sarili namin kasi madalas daw nagkakaroon ng ubo at sipon ang mga bata.
Mura na lang ngayon ang mga nebulizer. Kung sa Mercury kayo bibili, mapapamahal lang kayo kasi mga 3k plus ang nebulizer dun. Yung nabili namin, worth 600+ pesos lang sa Shopee. Hindi naman kailangan ng heavy-duty na nebulizer. Makakakuha din kayo ng nebulizer na worth 400+ lang. Mag-abang lang kayo ng Flash Sale sa Shopee or Lazada.

6. Painumin ng gamot sa tamang oras.

Kaya hindi agad gumagaling ang ubo at sipon ng iyong baby kahit na ipina-checkup mo na siya ay hindi mo naman siya pinapainom ng gamot sa tamang oras. Or minsan, hindi mo lahat binibili yung niresetang gamot. Imbis na 5-7 days ang gamutan, ginagawa mo lang na 2 days tapos di ka na bibili ng gamot. Kaya huwag ka na magtaka kung bakit hindi gumagaling ang ubo at sipon ng iyong baby.
Para sa mga magtatanong ng kung anong brand name ng antibiotic, mucolytic, at pampausok, ay hindi ko po sasabihin. At kung ilan ang takal nila. Depende kasi yun sa timbang at edad ng baby. Para sure, go na sa pedia.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento