Kung ikaw ay naghahanap ng herbal na gamot sa arthritis, ang pinaka-mainam na halamang gamot para rito ay pansit-pansitan o ulasimang bato.
Ang pansit-pansitan ay halamang herbal na madalas tumubo sa mga malililim at mabasa-basang paligid gaya ng mga ilalim ng puno, gilid-gilid ng bahay, mga paso ng halaman, dingding, kanal, at iba pa. Nagkalat ang halamang gamot na ito sapagkat madali lang itong tumubo, parang mga damong ligaw.
Ang itsura ng pansit-pansitan ay ganito:
Ito ay may mga berdeng dahon na hugis puso, may malambot at matubig na stems, at may mga maliliit na buto na parang nakadikit sa hugis pansit na sanga sa tuktok ng halaman.
Bagamat para lamang damong ligaw ang pansit-pansitan, isa ito sa mga aprubadong 10 halamang gamot ng DOH, at ang madalas na gamit talaga nito ay para gamutin ang sakit na rayuma o arthritis.
Para i-prepara at kainin ang pansit-pansitan, pwedeng gawin ang mga sumusunod:
Pansit-pansitan tsaa
1. Pumitas ng mga dahon (pwede ring may stems) ng pansit-pansitan.
2. Hugasan ang mga ito.
3. Gayatin ang dahon at stems sa maliliit na piraso.
4. Kada 1 tasa ng tinadtad na pansit-pansitan, haluan ito ng 4 na tasa ng tubig.
5. Pakuluan sa loob ng 10-15 minutes.
6. Salain.
7. Inumin ang tsaa 3x a day.
Source: Medical Health Guide
Pansit-pansitan salad
1. Pumitas ng mga dahon at stem ng pansit-pansitan. Hugasan.
2. Pwede na itong kaining nang sariwa. Walang halo na kung anu-ano.
3. O kaya naman, para may mas masarap na lasa, pwedeng lagyan ang pansit-pansitan salad ng asin, paminta, at mayonnaise.
*Ang lasa raw ng pansit-pansitan ay parang hilaw na pechay at repolyo, lalo na yung stems nito. Pero yung dahon, mas masarap daw. Sources: Food Recap and The Fairy Tribe
0 Mga Komento