Ano ang tonsil o tonsillitis?
Una sa lahat, ang tamang tawag kapag namamaga ang iyong lalamunan ay “tonsillitis” hindi “tonsil.” Lahat ng tao ay may tonsils. Ang tonsils ay isang organ, bale ito yung parte ng lalamunan na namamaga kapag may tonsillitis. Pero dahil Pinoy tayo, mahilig tayo sa shortcut, kaya ang sakit na tonsillitis ay mas kilala sa’tin na tonsil.
Bakit nagkaka-tonsillitis?
Nagkaka-tonsillitis ang isang tao kapag may virus o bacteria sa kanyang tonsils. Ang gawain kasi ng tonsils ay labanan yung mga virus at bacteria na pumapasok sa ating katawan sa pamamagitan ng ating bibig.
Pero minsan, hindi na nakakayanan ng ating tonsils ang pagsugpo sa mga virus at bacteria kaya nagkakaroon ng tonsillitis. Kaya naman, namamaga yung tonsils natin. Ang pamamaga ay nakakatulong para na rin maprotektahan ang ating katawan upang hindi tuluyang maminsala ang mga virus at bacteria.
Madaming iba’t ibang uri ng virus ang pwedeng maging sanhi ng tonsillitis:
- rhinovirus
- influenza virus
- parainfluenza virus
- enteroviruses
- adeno virus
- rubeola virus
Kapag bacteria naman ang sanhi ng tonsillitis, kadalasan ang nagdudulot nito ay ang tinatawag nating streptococcus bacteria.
Pero paano nagkakaroon ng virus o bacteria yung ating tonsils? Eto ay kapag:
- Mahilig ka masyadong kumain ng matatamis. Ang matatamis ay paboritong tambayan ng mga virus at bacteria.
- Hindi ka nagsisipilyo bago matulog. Ang mga natitirang latak sa iyong bibig ay posibleng pagpugaran ng mga virus at bacteria.
- Madalas na pag-inom ng malalamig. Kapag madalas ka uminom ng malalamig na inumin, pwedeng mamaga ang iyong lalamunan.
- Nakadampot ka ng mga bagay na kontaminado ng virus. Kapag nahawakan mo ang isang bagay na nagiging sanhi ng tonsillitis tapos hindi mo sinasadyang naipahid o naisubo sa iyong bibig.
Sintomas ng tonsillitis
Ito ang mga kadalasang sintomas ng tonsillitis:
- makating lalamunan
- mapula-pulang tonsils
- pwede ring mapula-pula, tapos may puti-puti yung tonsils
- masakit na lalamunan lalo na pag lumulunok
- lagnat
- mabahong hininga
- mapaklang panlasa
- hirap sa pagsasalita, paos, o malat
- ubo at sipon
- masakit na ulo
- masakit na ulo, parteng kilay o gilid ng ilong
Gamot sa tonsil o gamot sa tonsillitis
Ang tonsillitis ay madaling bigyang lunas lalo na kung ito’y maaagapan. Narito ang gamot sa tonsillitis na maaaring gawin lamang sa bahay:
- Magmumog ng maligamgam na tubig na may asin. Maghalo ng 1 kutsaritang asin sa 1 basong maligamgam na tubig. Nakakatulong ito para maibsan ang pamamaga ng tonsils.
- Humigop ng mainit na sabaw. Kadalasan, ang taong may tonsillitis ay inuubo, sinisipon at nilalagnat. Kaya naman, ang paghigop ng mainit na sabaw ay nakakatulong para guminhawa ang pakiramdam. Nakakatulong din ito para mabawasan ang pamamaga at pangangati ng lalamunan.
- Mag-Strepsils. Basahin ang article na ito para malaman ang tamang pag-gamit ng Strepsils: Strepsils, gamot para sa masakit na lalamunan o sore throat
- Uminom ng pain reliever. Para maibsan ang anumang pananakit ng katawan na dulot ng tonsillitis, uminom ng Ibuprofen o Acetaminophen.
- Kumain lamang ng mga pagkaing madaling lunukin. Kumain ng tinapay, prutas, gulay, at iba pa. Basta iwasan muna yung mga pagkaing matatamis para hindi lalong lumala ang iyong tonsillitis.
- Kumain ng prutas na mayaman sa Vitamin C. Para lumakas ang iyong resistensya, kumain ng vitamin C-rich fruit gaya ng pinya, orange, ponkan, dalandan, suha, at iba pang maaasim na prutas.
- Uminom ng maraming tubig. Ang pag-inom ng maraming tubig ay nakakatulong para maibsan ang pangangati at pamamaga ng lalamunan.
References:
Tonsillitis: Symptoms, Causes and Natural Remedies
Tonsillitis
Tonsillitis – Causes
Ano ang gamot sa tonsilitis?
Ano ang Pamamaga ng Lalamunan o Sore Throat?
Sore Throat and Other Throat Problems – Home Treatment
0 Mga Komento