May birthdayan, o kaya naman ay may simpleng get-together lang. Sa mga ganitong okasyon, syempre, hindi mawawala ang inuman.
Nagpakasaya ka nang todo, at uminom nang todo. Minsan lang naman ika nga. Pero kinabukasan, pag-gising mo, may hangover ka.
Paano nga ba malalaman kung may hangover ka? At paano ito mawawala? Basahin ang mga sumusunod na sintomas at gamot sa hangover.
Sintomas ng hangover
Kung ikaw ay nakararamdam ng mga sumusunod matapos ang matinding laklakan, ikaw ay may hangover.
- Labis na pananakit ng ulo
- Pananakit ng katawan
- Pagkahilo
- Panlalata, panlalambot o panghihina
- Labis na pagka-uhaw
- Gutom
- Pananakit ng tiyan at nagtatae
- Pagsusuka
- Wala sa focus
Gamot sa hangover
Ang hangover ay mawawala nang kusa kahit wala kang ginagawa kundi ang magpahinga. Pero para mabilis mawala ang iyong hangover, gawin ang mga sumusunod:
1. Uminom ng paracetamol.
Upang mawala ang nararamdamang pananakit ng ulo at katawan, makakatulong ang pag-inom ng paracetamol. Ayon sa Kalusugan.ph, uminom ng 2 tabletas nito.
2. Uminom ng tubig o juice.
Ang pag-inom ng alak ay nagiging sanhi ng pagka-dehydrate ng katawan kaya pag-gising mo, uhaw na uhaw ka. Di ba kapag nag-iinuman, madalas kang umiihi? Kapag madalas kang umihi, nawawalan ka ng tubig sa katawan. Kaya kung may hangover ka, palitan ang nawalang tubig sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig o juice. Ang pag-inom ng tubig o juice ay makakatulong din para mapalitan ang nawalang tubig ng dahil sa iyong pagtatae at pagsusuka.
3. Kumain ng pagkain na may sabaw.
Dahil nga dehydrated ka kapag may hangover, kailangan mong magdagdag nang magdagdag ng tubig sa katawan. Pinaka-okay kung kumain ka ng sopas o lugaw. Madali din ang mga ito na nguyain.
4. Kung wala pang ganang kumain ng kanin, kumain ng tinapay o biscuits.
Kung hindi ka makapagsaing at makapagluto dahil sa hangover mo, bumili muna ng tinapay o biscuits sa tindahan. Bukod sa dehydrated ka, bumababa din ang sugar level ng iyong katawan kapag ikaw ay labis na nag-inom. Kaya naman ay nakakaramdam ka ng pagkahilo, panghihina at gutom.
5. Kumain ng prutas na saging.
Kapag nagtatae dahil sa hangover, bukod sa nawawalang tubig, nawawalan ka din ng electrolytes sa katawan gaya ng potassium. Para mapalitan ang nawalang potassium, kumain ng saging.
6. Habaan pa ang tulog.
Para tuluyang mawala ang hangover, matulog pa ulit o magpahinga. Kahit nakakain ka na, medyo mahilo-hilo ka pa rin. Kaya naman, magpahinga pa ulit.
Kung may katanungan tungkol sa hangover, mag-comment lang sa baba.
References:
Gamot at lunas sa hangover o sobrang paginom ng alak
Solusyon para sa hangover
0 Mga Komento