Lahat tayo ay pwedeng magkaroon ng mabahong kilikli, anghit o putok lalung-lalo na yung mga tao na maraming magpawis.
Kapag kasi may pawis, lapitin ito ng bacteria na siyang nagpapabaho ng katawan lalung-lalo na yung mga singit-singit gaya ng kilikili.
So ano nga ba ang gamot sa mabahong kilikili? Ano ang gamot sa anghit o putok?
Ngayon, napagawi ako sa isang Pinoy health group at may nagtanong kung ano ang pwedeng gamot sa mabahong kilikili.
Nilista ko yung mga sagot ng members. Kaya ni-research ko din kung totoo at effective nga ang mga gamot sa mabahong kilikili na nirekomenda nila.
Gamot sa mabahong kilikili
Eto yung mga sinasabi nilang gamot sa mabahong kilikili:
1. Baking soda
Eto yung napansin kong numero uno nilang nirerekomendang gamot sa mabahong kilikili. Ano bang meron sa baking soda at pwede itong pangtanggal ng anghit?
Nung ni-research ko kung bakit nakakatanggal ng putok ang baking soda dahil may kakayahan itong mag-absorb ng moisture sa katawan. So nakakasipsip siya ng pawis. At meron din daw itong kakayahan na patayin ang mga bacteria na sanhi ng mabahong kilikili.
Para gamitin ang baking soda pantanggal ng mabahong kilikili, ipahid lang yung powder after maligo. Parang tawas lang.
2. Calamansi
Kilalang-kilala ang calamansi na pampaputi ng kilikili. Pero pangtanggal ng putok? Hindi kaya lalong mangasim ang kilikili?
Sa research ko, napag-alaman ko na ang calamansi ay anti-perspirant o nag-stostop ng pag-produce ng maraming pawis. At ang mga maaasim na prutas o yung mayaman sa vitamin C gaya ng calamansi ay merong anti-bacterial properties din. So pumapatay din siya ng bacteria.
Para gamitin ang calamansi pantanggal ng anghit, mag-gayat lang ng calamansi at ikuskos sa kilikili pagkatapos maligo. Hayaang matuyo. Mga 2-3 minutes. Then banlawan. Kaya hindi ka dapat mangamba na baka mangasim ka lalo.
O kung ayaw mo namang ipahid nang diretsa, lagyan ng calamansi extract yung timba ng tubig na gagamitin mo sa paliligo.
3. Alcohol
Akala ko joke lang yung alcohol na pang-gamot sa mabahong kilikili. Alam kong may antiseptic o antibacterial properties ang alcohol, pero hindi ko pa talaga naririnig na pwede pala ang alcohol pantanggal ng anghit.
So pagkatapos mong maligo, pahiran ng alcohol ang kilikili gamit ang bulak. Panoorin etong video ni Dr. Liza Ong.
Ayon sa iba, pwede mo rin tunawan ng tawas yung alcohol at siya mong ipapahid para mas effective.
4. Tawas
Ang tawas ang pinakasikat na anti-anghit noong di pa uso ang mga commercial deodorant. Ang English ng tawas ay alum. Hindi anti-perspirant ang tawas, pero nakakapatay siya ng bacteria.
Merong tawas na powder at tawas na buo. Yung iba, mas gusto ang tawas na buo ipahid kasi yung powder makati sa kilikili.
5. Lemon na may iodized salt
Nung nabasa ko ‘to, ang sosyal naman, lemon. Since citrus fruit ang lemon gaya ng calamansi, nakakapatay din ang lemon ng bacteria.
Pero paano ang asin? Anong meron sa asin at pwede siyang pang-gamot sa mabahong kilikili? Ayon sa aking nabasa, ang asin ay may antibacterial properties din kaya pwede siyang pantanggal ng anghit.
6. Apple cider vinegar, pwede rin ang white vinegar
Meron ding antibacterial properties ang apple cider vinegar kaya pwede siyang gamot sa mabahong kilikili. Nagbabalanse din ito ng pH levels ng kilikili kapag ipinahid. Ang alam ko mga 250-300 pesos ang isang bote nito sa grocery stores.
Kung walang pambili, pwede rin yung ordinaryong puting suka. Para gamitin yung apple cider vinegar o white vinegar, ipahid gamit ang bulak pagkatapos maligo. Sa mga nareresearch ko, di na need banlawan, hayaang matuyo na lang. Pero parang ang asim naman.
Mas mabuti siguro na kung gagamit ka nito, sa gabi, bago matulog. Para di ka mag-aaalala na may makakaamoy sayo na amoy suka.
7. Patatas
Nakaka-absorb din daw ng moisture ang patatas. Kung walang pawis, walang bacteria na maglalagi sa kilikili.
Para gamitin ang patatas, mag-gayat lang ng patatas at ikuskos sa kilikili. Hayaang matuyo.
8. Dahon ng malunggay
Ang katas ng dahon ng malunggay ay may chlorophyll. Ayon sa MMSNews, ang chlorophyll ay isang epektibong deodorizer na nakakapagpawala ng body odor at bad breath.
9. Dahon ng bayabas
Doon sa health group, ang sabi ay pwede rin daw ang pinaglagaan ng dahon ng bayabas para mawala ang amoy ng kilikili. Pero sa naresearch ko, mas effective ito as vaginal wash, parang pH care, para matanggal ang masamang amoy ng ari ng mga babae.
Ganunpaman, ang bayabas ay may antibacterial properties. Aprubado nga ng DOH ito na halamang gamot para panlanggas sa mga sugat para hindi maimpeksiyon.
Para sa kilikili, pwede sigurong maghiwa ng prutas ng bayabas at ito ang ipahid kasi may vitamin C din ang bayabas.
Sa mga nabasa ko namang payo dun sa health group na kabilang ako, wala namang sablay na payo para sa gamot sa mabahong kilikili. Nahanapan ko naman lahat ng research na magbaback-up na pwede nga talagang home remedies ang mga ito para sa anghit.
0 Mga Komento