Ano ang ulcer?
Ang ulcer ay “sugat” sa loob ng tiyan. Maaaring ito ay gastric ulcer o duodenal ulcer. Kung ikaw ay may gastric ulcer, ito ay ulcer sa stomach organ. Samantalang ang duodenal ulcer naman ay ulcer sa mataas na parte ng small intestine.
Sintomas ng ulcer
Bagamat may iba’t ibang uri ng ulcer, narito ang mga sintomas ng ulcer sa pangkalahatan:
- Pwedeng walang nararamdaman
- Pananakit ng tiyan mula pusod hanggang dibdib na parang humihilab
- Pananakit ng tiyan tuwing gabi
- Paglaho ng pananakit ng tiyan kapag kumain
- Mas matinding pananakit ng tiyan kapag walang nakain
- Pabalik-balik na pananakit ng tiyan
- Pagsusuka o nasusuka
- Puno ng hangin ang tiyan
- Acid reflux
- Heartburn
Sintomas ng malalang ulcer
Kapag malala na ang iyong ulcer, ang mga sintomas na makikita sayo ay ang mga sumusunod:
- Pagsuka ng may dugo
- Pagdumi ng may dugo o maitim yung dumi
- Pamumutla (anemia)
- Pagkahilo
Bakit nagkakaroon ng ulcer?
Nagkakaroon ng ulcer ang isang tao dahil sa mga sumusunod:
- Bacteria na H. pylori
- Matagal o palagiang pag-inom ng NSAIDs o pain relievers
Kapag may H.pylori, numinipis ang “lining” ng tiyan kaya naman kapag nadikitan ng asido sa loob ng tiyan ay nakakaramdam ng pananakit.
Iba pang sanhi o mga nagpapalala ng ulcer
Ang pinaka-sanhi talaga ng pagkakaroon ng ulcer ay ang bacteria na H. pylori, pero kadalasan, ang mga sumusunod ay isa rin sa mga pinaniniwalaang sanhi o nagpapalala ng ulcer ng isang tao:
- Stress – Nagpapalala ng ulcer sapagkat lalong dumarami ang pagproproduce ng asido sa loob ng tiyan.
- Pag-inom ng kape at alak – Ito ay mga acidic na inumin.
- Paninigarilyo – May mga kemikal ang sigarilyo na nagpapabagal para gumaling agad ang taong may ulcer
- Pagkain ng matatabang pagkain – Nagpapalala ng ulcer kasi lalong naiirita ang tiyan.
- Pagpapalipas ng gutom – Nagpapalala ng ulcer kasi lalong nananakit ang tiyan kapag walang kinakain.
Ano ang gamot sa ulcer?
Narito ang ilang lunas para gumaling ang iyong ulcer:
- Uminom ng antibiotic na inireseta ng doktor. Nireresetahan ng antibiotic ang taong may ulcer kapag nakitaan ng H. pylori bacteria sa loob ng tiyan.
- Uminom ng gamot na antacid o mga gamot na nagpapababa ng asido sa loob ng tiyan. Ang karaniwang gamot na ibinibigay ay Omeprazole at Ranitidine.
- Uminom ng yogurt imbis na gatas. Ang yogurt ay may kakayahang ibalanse ang asido ng tiyan. Kaya rin naman ito ng gatas, pero kung ikaw ay nagtatae sa gatas, yogurt na lang.
- Buksan ang butones ng pantalon o luwagan ang sinturon para guminhawa ang pakiramdam. Kapag masyadong masikip ang iyong suot na pang-ibaba, nagdudulot ito ng pagtaas ng pressure sa tiyan.
Para hindi pabalik-balik ang iyong ulcer, siguraduhing huwag ma-stress, bawasan ang pag-inom ng kape at alak, huwag manigarilyo, bawasan ang pagkain ng matatabang pagkain, at huwag magpalipas ng gutom.
References:
Peptic Ulcer Disease
Ulcer o ulser: Sanhi, sintomas, gamot, lunas at paano maiwasan
Lunas sa ulcer o acidic
0 Mga Komento